-- Advertisements --

Tumaas sa 1.06 ang reproduction number sa National Capital Region (NCR), unang pagkakataon na lumampas ito sa 1 mula noong Abril 18, ayon sa OCTA Research group.

Ang reproduction number na one o mas mataas pa ay indikasyon nang tuloy-tuloy na transmission ng virus.

Sa kanilang latest report, sinabi ng OCTA na ang average daily cases na naitatala sa NCR ay tumaas ng 11% sa 701 mula Hulyo 13 hanggang Hulyo 19.

Mas mataas ito kumpara sa daily average na mas mababa sa 700 sa nakalipas na apat na linggo.

Ang pagtaas sa reproduction number sa NCR ay “cause of concern” pero hindi naman anila dapat ika-alarma dahil masyado pang maaga para masabi kung ito ay magtutuloy-tuloy para makapagtala ng upward trend.

Ayon sa OCTA, ang Manila at Makati Cities ang siyang may mataas na reproduction numbers mula 1.1 at 1.4.

Ang iba pang local governments na mayroong kapansin-pansin na one-week growth rates ay ang Valenzuela, Pasay, Marikina, at Paranaque.

Sa labas naman ng NCR, nanatili pa ring nasa “very high risk” category ang Mariveles.

Samantala, “high risk” naman ang klasipikasyon para sa Davao City, Cebu City, Bacolod, Iloilo City, Makati, Cagayan de Oro, Baguio City, General Santos, Laoag, Lapu Lapu, at Butuan.