LEGAZPI CITY- Nakapagtala ang OCTA Research Group ng pagtaas sa COVID-19 positivity rate sa lalawigan ng Albay sa nakalipas na mga araw.
Ayon kay OCTA Research Fellow Dr. Guido David sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, normal na tumataas ang positivity rate tuwing nagpapatupad ng paglikas kaya kinakailangan aniya ng dobleng pag-iingat.
Nakita rin sa data na karaniwang ang mga senior citizens at may comorbidity ang naapektuhan ng nakakahawang sakit dahil sa mahinang resistensya ng mga ito, habang ang mga kabataan ay mild symptoms lamang ang nararamdaman.
Batay sa projection ng opisyal ay posibleng abutin pa ng lang buwan ang mataas na positivity rate sa lalawigan ng Albay dahil na rin sa pananatili ng libo-libong mga residente sa mga evacuation centers.
Dagdag pa ni David na mas malaking isyu pa rin ngayon ang aktibidad ng Bulkang Mayon dahil sa panganib na dala sa mga residente subalit hindi aniya dapat na baliwalain ang COVID-19 kahit pa karaniwang mild symptoms na lamang ang hatid nito.
Pinayuhan ng opisyal ang mga Albayano partikular na ang mga nananatili sa evacuation centers na sumunod pa rin sa mga health protovols tulad ng pagsusuot ng facemask, social distancing at pagpapabakuna.
Mas maigi rin aniya na paminsan minsan ay lalabas rin sa mga evacuation centers upang makalanghap ng sariwang hangin.