-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Umakyat na sa 21 ang mga nagpositibo sa Coronavirus Disease (COVID-19) sa region 2 matapos kumpirmahin ng Department of Health (DOH) ang isa pang nagpositibo sa swab test.

Ang pinakabagong nagpositibo ay si PH 2764, 57 anyos na lalaki na mula sa Piat, Cagayan.

Mayroon siyang travel history sa Manila at na-admit sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) sa Tuguegarao City.

Samantala, anim sa 8 na nagpositibo at na-confine sa isolation room ng CVMC ang nakauwi na matapos na magnegatibo sila sa kanilang ikalawang swab test.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr. Glenn Matthew Baggao, medical center chief ng CVMC na ang mga nakalabas na ay sina patient PH837 at 840 na taga-Mabini, Alicia, Isabela.

Sila ay sinundo kagabi ng ambulansiya ng LGU Alicia at inihatid sa kanilang bahay.

Sila ay sasailalim pa rin sa strict home quarantine.

Nakauwi na si rin si PH893, ang 73 anyos na ina ng unang nagpositibo sa COVID 19 sa region 2 na si PH275 na isang fireman at residente ng Tuao, Cagayan.

Masayang-masaya umanong na umalis sa ospital ang senior citizen.

Samantala, kahapon ay nagpositibo sa virus ang misis ni PH661 ng Tuao, Cagayan na isang OFW na dumating mula Hong Kong.

Kasama niyang nagpositibo ang isang American citizen na 71 anyos na umuwi sa bansa noong March 4 at namasyal sa Vigan City at Pagudpud, Ilocos Sur noong March 12-14, 2020.

Nagpositibo rin kahapon ang isang kawani ng DOH region 2 na isang 29 anyos at residente ng Cabagan, Isabela.

Ayon kay Dr, Baggao, ang pasyente ay contact tracer at isa rin swabber o tagakuha ng swab.

Siya ay naka-confine sa isolation room ng CVMC at maayos ang kalagayan.