Nagpapakita na umano ng improvement sa kanilang mga kalusugan ang mga pasyenteng tinamaan ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) na sumailalim na sa convalescent plasma therapy.
Ang naturang mga pasyente ay mula sa St. Luke’s Medical Center.
Ayon kay Dr. Mae Campomanes, pulmonologist ng St. Luke’s, ang naturang mga pasyente na sumailalim sa convalescent plasma therapy o ang pagsalin ng dugo mula sa COVID-19 survivors sa mga covid patients ay nagpapakita ng positibong pagbabago sa kanilang kalagayan mula noong sila ay na-confine.
Partikular daw dito ang improvement sa biochemical parameters o inflammatory markers maging ang kanilang oxygenation status at ang bumababang lagnat.
Sinabi ng doktor na base sa pag-aaral sa China, ang mga nasa kritikal na kondisyon dahil sa virus ay puwedeng mag-benefit sa convalescent plasma therapy.
Samantala, inihayag naman ni Dr. Francisco Lopez, hematologist sa St Luke’s, nasa walong plasma transfusions na ang kanilang isinagawa matapos nilang hilingin sa mga COVID-19 survivors na mag-donate ng dugo sa sa experimental treatment ng naturang ospital na inumpisahan nong Holy Saturday.
Una nang nanawagan ang Philippine General Hospital (PGH) sa mga makakarekober sa covid na mag-donate ang mga ito ng dugo na gagamitin nila sa mga pasyenteng tinamaan din ng naturang sakit.