Balak ng Kamara na hatiin sa dalawang tranches ang economic response ng pamahalaan para sa epekto ng COVID-19 pandemic pagdating sa ekonomiya ng bansa.
Base sa latest draft ng proposed Philippine Economic Stimulus Act (PESA), sinabi ni House Committee on Ways and Means chairman Joey Sarte Salceda na P310 billion ang halagang ipapatupad para sa first tranche ng batas.
Aabot naman aniya sa P426 billion ang ilalaang pondo para sa implementasyon ng PESA pagsapit ng 2021.
Ayon kay Salceda, P10 billion ang alokasyon para sa mass testing ngayong 2020 at karagdagang P10 billion para naman sa susunod na taon.
Aabot naman sa P80 billion ang alokasyon para sa wage subsidy ng mga manggagawa habang P30 billion para sa mga benepisyaryo ng cash for work program ng Department of Labor and Employment ngayong taon.
Sinabi ni Salceda na P30 billion at P50 billion ang ilalaan para sa Small Business Corp simula ngayong 2020 hanggang 2021.
Makakatanggap ng P50 billion ngayong 2020 ang Philippine Guarantee Corp habang P50 billion pa sa 2021 bilang paid up capital at special funds para gamitin sa pautang.
Dagdag pa ni Salceda, P10 billion ang ilalaan sa Department of Trade and Industry para tulungan ang mga micro, small and medium enterprises (MSMEs), habang ang Board of Investments ay makakatanggap ng 25 billion ngayong 2020 at karagdagang P25 billion sa 2021 bilang ayuda para sa import/export industries.
Nakapaloob din sa isinusulong nilang panukalang batas ang enhanced Build, Build, Build program na nagkakahalaga ng P650 billion para sa susunod na tatlong taon sumula 2021.
Nabatid mula kay Salceda na P216.6 billion ang alokasyon para sa programang ito sa susunod na taon.
Inaasahan aniya na aabot sa 1.5 million na trabaho ang malilikha mula sa enhanced Build, Build, Build program.