Binigyan diin ni House Minority Leader Bienvenido Abante Jr. ang kahalagahan nang pagkakaroon ng isang masterplan ng pamahalaan sa laban kontra COVID-19.
Iginiit ito ni Abante sa kanyang contra-SONA, isang araw matapos na ilahad ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang ikalimang Ulat sa Bayan noong Lunes, Hulyo 27, na hindi natalakay ng husto ang COVID-19 response ng pamahalaan ayon sa ilang kritiko.
Sinabi ni Abante na mahalagang magkaroon ng masterplan sa pagresolba sa COVID-19 crisis upang sa gayon ay maiwasan na rin ang mga sitwasyon kagaya ng sa basketball stadium ng Rizal Memorial Sports Complex, kung saan ilang libong locally stranded individuals (LSIs) ang nagsisisksikan habang naghihintay ng kanilang biyahe pauwi sa kanya-kanyang probinsya.
Bagama’t maganda aniya ang hangarin ng naturang programa, nangangamba si Abante na lalo lamang makakasama ito kung hindi naman maganda ang pagpaplano hanggang sa implementasyon.
Mababatid na sa kanyang SONA hinimok ni Pangulong Duterte ang Kongreso na ipasa na ang Bayanihan to Recover as One Act, na aniya’y makakatulong sa COVID-19 response at recovery plans ng pamahalaan.
Ayon kay Abante, suportado nila ang pagsasabatas nito, gayundin sa iba pang COVID-19-related measures na nais ni Pangulong Duterte na ipasa ng Kongreso.