-- Advertisements --

Nanawagan si Senate President Pro Tempore Ralph Reco sa Malacañang na magtalaga ng “vaccine czar” na siyang sisiguro na mabibigyan ang milyon-milyong Pilipino ng access sa oras na magkaroon na ng COVID-19 vaccine.

Ang vaccine czar aniya ang reresolba kung sakali na magkaroon ng problema sa importation hanggang injection ng gamot.

Mauunang makatanggap ng COVID-19 vaccines supply ang mga mayayamang bansa na nagbibigay ng tulong pinansyal sa pag-develop ng bakuna.

Ayon pa sa mambabatas, maaari ring simulan ng vaccine czar ang pagse-set up sa “supply to syringe cold chain” kung saan kinakailangang ilagay ang bakuna sa malamig na temperatura.

Una nang sinabi ng Malacañang noong Martes na nakakakita umano ito ng logistical challenge sa pamamahagi ng COVID-19 vaccine doses sa mga Pinoy.

Kakailanganin daw ng gobyerno na magtayo ng cold chain dahil kailangang ilagay sa sub-zero temperature ang naturang gamot.

Sa ngayon ay tanging ang Research Institue for Tropical Medicine (RITM) pa lamang sa Muntinlupa City ang may pasilidad na maaaring gamitin para rito.

Inulit pa ng senador ang naging anunsyo ng World Health Organization (WHO) na bago matapos ang taong 2021 ay aabot na ng 2 billion doses ng COVID-19 vaccines ang magiging available.

Batid din umano nito ang nararamdamang pressure ng mga developing countries para makapag-supply ng bakuna para sa kanilang bansa.

Kakailanganin aniya ng Pilipinas ang isang tao na may “global stature, excellent connections at diplomatic skills” para tiyakin na makakakuha ng bakuna ang bansa.

Dagdag pa nito na dapat ay magkaroon ng malinaw na patakaran kung sino ang susunod na makakakuha ng bakuna sa oras na matanggap na ng mga medical personnel ang kanilang gamot.