Napabagal na raw ng Pilipinas ang pagkalat ng pandemic na coronavirus disease (COVID-19), ayon sa isang professor ng University of the Philippines, na miyembro rin ng OCTA Research group. Ibig sabihin daw nito, “flattened” na ang tinatawag na “curve” ng pandemya.
Sa isang panayam sinabi ni Prof. Guido David na bumaba pa sa 0.94 ang reproductive rate (R-Naught) ng COVID-19 sa bansa, mula sa 0.99 na datos nito noong nakaraang linggo.
Ang ibig sabihin daw ng naturang development ay napapanatili ng estado ang “flattening of the curve” o mabagal na pagkalat ng sakit.
Ginagamit ang termino na R-Naught para sukatin ang pagkalat o transmission ng sakit mula sa isang infected na tao.
Bukod sa bumagal na reproductive number ng coronavirus, bahagyang bumaba na rin daw ang positivity rate ng bansa. Mula kasi sa higit 4,000 new cases na naitatala ng Department of Health (DOH) noong mga nakaraang linggo ay nasa higit 3,000 na ito sa mga nakalipas na araw.
Sa kabila ng impormasyon, sinabi ni Prof. David na hindi pa pwedeng makampante ang mga Pilipino dahil maaaring magbago ang COVID-19 trend.