Posible raw na mas mababa pa sa 100 ang average daily cases ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa National Capital Region (NCR) pagsapit ng Kapaskuhan.
Ayon kay OCTA Research fellow Guido David, kapag patuloy na bababa ang seven-day COVID-19 average sa Metro Manila ay asahan na ang pagbulusok pa ng kaso ng covid sa bansa.
Sa update, sinabi ng independent monitoring group na ang seven-day average mula November 16 hanggang 22 ay 293 cases.
Mas mababa ito ng 31 percent sa mga nakaraang linggo habang ang average daily attack rate ay 2.07 kada 100,000 population.
Base sa pinakahuling trends, ang seven-day average sa NCR ay bababa nang hanggang 200 sa unang linggo ng Disyembre at pagsapit ng Pasko ay mas mababa na ito sa 100.
Pero paalala ng OCTA, dapat daw ay huwag pa ring magpakampante ang publiko at ituloy lamang ang pagsunod sa minimun public health standards.
Noong Lunes, nakapagtala ang Metro Manila ng 168 na bagong infections at mayroong active cases na 4,345 base sa data ng Department of Health (DoH).
Kung pag-uusapan naman ang healthcare utilization rate sa NCR nananatili pa rin itong “very low” sa 24 percent habang ang intensive care unit (ICU) occupancy rate ay “low” sa 31 percent.
Nananatili naman ang reproduction number sa 0.50 habang ang positivity rate ay 2 percent.