Lumagpas na sa 5 milyong katao sa Latin America ang tinamaan ng coronavirus disease (COVID-19) kasunod nang inilabas na babala ng World Health Organization (WHO) na posible umanong walang solusyon sa pandemic.
Umabot naman ng 18 milyong katao sa buong mundo ang dinapuan na rin ng deadly virus kung saan nakakita ng mabilis na pagtaas ng kaso sa Brazil na mayroong 2.75 million confirmed cases.
Tanging bakuna lamang ang pag-asa ng publiko para tuluyan nang matuldukan ang krisis na tila nagpatigil sa galaw ng buong mundo. Subalit ayon WHO, kailangan umanong pagtuunan ng pansin ng mga gobyerno at mamayan nito ang testing, contact tracing, social distancing at pati na rin ang palaging pagsusuot ng mask.
Sa kabila kasi ng mahabang panahon na pagpapatupad ng iba’t ibang health protocols ay tuloy pa rin ang pagdami ng mga namamatay dahil sa virus.
Sa ngayon, tanging panawagan lamang ni WHO chief Tedros Ghebreyesus sa lahat na sumunod sa public health measures upang hindi na kumalat pa ang nakamamatay na sakit.