Nagbabala ang independent monitoring group na OCTA Research na posibleng lumagpas sa 2,000 ang maitatalang kaso ng COVID-19 kada araw sa Metro Manila simula sa buwan ng Oktubre.
Base sa data ng OCTA, lumalabas na sumipa ang positivity rate o tally g mga indibidwal na nagpositibo mula sa mga nasuri sa virus sa naturang rehiyon mula 14.3% noong Setyembre 14 sa 17.5% noong Miyerkules , Setyembre 21.
Ito ay mas mataas sa 5% positivity rate benchmark na itinakda ng World Health Organization (WHO) para mapigilan na mangyari ang panibagong surge ng covid19.
Ayon kay OCTA Research fellow Dr. Guido David, kapareho ng positivity rate na ito ang nakalipas na peak na naitala August 5. Kaya nakikita na ang kasalukuyang resurgence ng covid cases ay magtatala ng mas mataas pa na positivity rates sa mga susunod na linggo.
Liban dito, iniulat din ng OCTA na ang 7 day average ng bagong covid cases ay nasa 1,128 kung saan naobserbahan ang 28% uptick kumpara sa nakalipas na linggo. Gayundin ang reproductiin number ay tumaas mula 1.19 noong Setyembre 12 sa 1.26 noong Setyembre 19.
Ang pagtaas na ito sa covid-19 indicators ang pinagbasehan ng OCTA na posibleng pumalo pa sa mahigit 2000 kada araw ng kaso ng covid-19 sa NCR sa susunod na buwan.