Nakapagtala ng halos 20% pagbaba ng coronavirus case sa Britain, Spain at Iran habang 38% naman ang binaba ng kaso ng virus sa Italy at Germany sa nakalipas na linggo.

Ayon sa ilang eksperto, patunay lamang ito na unit-unti nang nagiging maayos ang kalagayan ng mga bansa sa Europa ngunit hindi pa rin daw dapat magpakampante ng mga ito.

Nagbabala naman ang isang public health researcher mula sa University of Arizona na kailangang maghanda ng Estados Unidos dahil malayo-layo pa ang laban na kahaharapin nito kontra COVID-19.

Ito’y matapos pumalo na sa mahigit 2 milyong katao ang nagpositibo sa nakamamatay na virus sa Amerika habang 115,137 na ang nasawi.

Siyam na estado sa naturang bansa ang nakapagtala ng mataas na bilang ng COVID-19 sa loob ng isang linggo. Ito ang Texas, Arkansas, South Carolina, Nevada, Arizona, North Carolina, Oregon, Florida at Utah.

Taliwas ito sa una nang ipinagmalaki ni US President Donald Trump na milyon-milyong tao ang naisalba ng kaniyang administrasyon laban sa virus.