Itinakda mamayang pasado alas-3:00 ng hapon sa Malacañang ang pagsalubong ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Indian President Ram Nath Kovind na nasa bansa para sa limang araw na state visit.
Gaya ng mga nakaraang foreign leaders na nagko-courtesy call kay Pangulong Duterte, pipirma rin si Pres. Kovind sa guest book pagpasok sa Palasyo at magkakaroon din ng one-on-one meeting at expanded bilateral meeting sa pangulo.
Sasaksihan din nila ni Pangulong Duterte ang exchange of agreements sa pagitan ng Pilipinas at India.
Kasunod nito, magbibigay ng joint press statement ang dalawang lider bago pumunta sa state banquet o dinner.
Maliban sa pagbisita sa Palasyo, bukas ay makikipagkita ang Indian president sa liver transplant patients, ilang beneficiaries ng Mahaveer Philippines Foundation, at dadalo sa Philippine-India Business Conclave and 4th Association of Southeast Asian Nations-India Business Summit sa isang hotel sa Makati City.
Pagsapit ng Linggo, sasaksihan ng Indian president ang installation ng sculpture ni Mahatma Gandhi sa Miriam College at makikipagpulong sa Indian community.
Sa Lunes pa ng umaga nakatakdang bumiyahe ang Indian president papunta naman sa Tokyo, Japan.