-- Advertisements --

Ipinag-utos ng Court of Appeals sa pamunuan ng Armed Forces of the Philippines , Philippine National Police at sa dalawang unit head ng Pulisya na ilabas ang dalawang aktibista na una nang naiulat na nawawala.

Ito ang naging tugon ng naturang korte sa inihaing writ of habeas corpus petition ng pamilya ng mga ito.

Sa isang resolusyon na inilabas noong July 10, inatasan ng Court of Appeals 13th Division si AFP chief of Staff Lt. Gen. Andres Centino, PNP chief PGen. Benjamin Acorda, Jr., Rizal police chief PCol. Dominic Baccay, at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) chief Brig. Gen. Romeo Caramat na humarap sa Court of Appeals at i -produce at dalhin ang katawan at katauhan ni Gene Roz Jamil Centeno De Jesus at Dexter Capuyan.

Pagpapaliwanag rin ng korte sa naturang show cause order ang mga respondents kung bakit kailangan pang manatili sa kanilang kustudiya ang mga nabanngit na indibidwal.

Huling namataan ang dalawang aktibista sa Taytay noong Abril 28 ng kasalukuyang taon at mula noon ay hindi na ito nasilayan pa.

Si De Jesus , 27 years old ay nagtatrabaho sa Philippine Task Force on Indigenous Peoples’ Rights bilang information officer habang si Capuyan , 56, years old ay inakusahang lider umano ng at miyembro ng New People’s Army.

Batay sa inihain petisyon ng kanilang mga pamilya, iginiit nito na armadong mga kalalakihan na nagpakilala bilang miyembro ng CIDG ang dumukot sa dalawa.

Una ng itinanggi ng Philippine National Police ang kanilang pagkakasangkot sa naturang insidente.

Ayon naman sa pamilya ng dalawang aktibista, tanging AFP at PNP lamang ang sangkot at may kinalaman sa pagkawala ng kanilang kapamilya.

Inatasan rin ng Court of Appeals sa nasabing resolusyon ang mga respondents na magbigay ng kanilang paliwanag sa loob ng limang araw mula ng matanggap nila ito.