Sisimulan na ngayong linggo ang court martial proceedings ng Philippine Army (PA) laban kay Brig.Gen Jesus Durante III, 1001st Brigade deputy commander Col. Michael Licyayo at limang iba pang personnel nito na umano’y sangkot sa pagpatay sa modelo at negosyanteng si Yvonette Plaza noong nakalipas na taon.
Ayon sa PA, inaprubahan ni Army Commanding General Lieutenant Romeo S. Brawner Jr. ang administrative charges laban sa mga personnel at kalaunan ay inirefer ang nasabing kaso sa General Court Martial (GCM).
Nasa ilalim na ng kustodiya ng Eastern Mindanao command headquarters sa Camp Pandacan sa Davao city sina Durante at Licyayo para sa administrative military proceeding na inaasahang mag-convene bukas o anumang araw ngayong linggo.
Ang nasabing mga opisyal at personnel ng PA ay kinasuhan ng paglabag sa Article of War 96 at Article of War 97.
Matatandaan, natagpuan ang bangkay ng modelong si Plaza na duguan at wala ng buhay sa kaniyang residence sa Davao city noong Disyembre 28 ng nakalipas na taon.
Nakuhanan sa CCTV footage ang isa sa mga suspek na nanutok ng baril kay Plaza habang ang kasabwat ng suspek ay naga-antay sa kanilang getaway motorcycle.
Noong Enero, pinangalanan si Durante bilang utak ng krimen habang si Licyayo naman ang itinuturong isa sa nagbigay ng address ng biktima sa umano’y mga gunmen na kinilalang sina Corporal Adrian Cashero at Private First Class Delfin Sialsa.
Una ng itinanggi ni Durante ang pagkakadawit ng kaniyang pangalan sa karumal-dumal na krimen.