-- Advertisements --
Congressman Arnulfo Teves

Gagamitin na ng Armed Forces of the Philippines ang mga counter terrorism units nito laban sa private armed group ni suspended Negros Oriental 3rd District Representative Arnolfo Teves Jr.

Ito ay makaraang italaga ng Anti-Terrorism Council ang mambabatas at ang kaniyang armadong grupo bilang mga terorista.

Ayon kay AFP Visayas Command Commander LTGEN Benedict Arevalo, ito ay bilang suporta ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas sa kampanya ng Philippine National Police na sugpuin ang lahat ng mga armadong grupo at loose firearms sa Pilipinas.

Aniya, ang paghahabol kasi sa private armed groups ni Teves at iba pang kabilang sa mga idineklarang terorista ng Anti-Terrorism Council ay saklaw ng Law Enforcement Operation ng Pambansang Pulisya.

Ngunit sa kabila nito ay maaari pa rin aniyang gamitin ng kanilang hukbo ang kanilang “counter-terrorism model” upang tugisin ang mga ito na tulad na lamang ng kanilang pagtugis sa iba pang mga teroristang komunistang grupo sa bansa.