-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Isinailalim na sa community quarantine ang siyudad ng Cotabato para labanan ang coronavirus disease (COVID-19).

Ito ang naging kautusan ni Cotabato City mayor Atty. Frances Cynthia Guiani Sayadi na suportado naman ng city council, militar, pulisya at iba’t ibang ahensya ng gobyerno.

Nakapaloob sa community quarantine na mag-uumpisa ngayong araw Marso 16, suspendido ang klase sa lahat ng antas at misa sa mga simbahan, kung walang importanteng puntahan ay manatili ang mga residente sa kanilang tahanan maliban lamang sa mga emergency cases, sa mga pumapasok sa lungsod ay sasailalim sa profiling, thermal scanners at filing forms at iba pa.

Sa ngayon ay nananatiling COVID-19 free ang Cotabato City ngunit kailangang umaksyon agad ang lokal na pamahalaan para labanan ang nakamamatay na sakit.

Ang hakbang ng LGU-Cotabato City ay para sa kapakanan umano ng lahat at pagtalima sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte.