-- Advertisements --

Pinasisilip ni Public Attorney’s Office (PAO) chief Persida Acosta sa Office of the Ombudsman ang reklamong inihain laban sa kanya ng ilang nagpakilalang abogado ng ahensya.

Sa mosyong inihain ni Acosta sa Ombudsman, kinuwestyon nito ang akusasyon dahil sa kakulangan umano ng ebidensyang makapagdidiin sa reklamo.

Wala rin daw nakitang pirma ng intervenors sa inihaing criminal at administrative complaints ni Atty. Wilfredo Garrido Jr.

“It bears stressing that, the said anonymous manifestation has very strong charges against the herein respondent Chief Public Attorney and to the PAO as a whole without even being signed and having no proof at all to substantiate its allegations.”

“Hence, must be stricken out of the records of this case.”

Para kay Acosta, maituturing na basura ang manifestation ng nagpakilalang PAO lawyers.

Batay sa 7-pahinang dokumento, sinabi ng complainants na nagsabwatan sina Acosta at mga opisyal ng Finance, Budget and Supplies department ng PAO para i-divert ang bahagi ng pondo ng ahensya sa bulsa ng PAO chief.

Imbis kasi na gamitin pambili ng office supplies, ginastos umano ang pondo para tulungan ang pamilya ng mga pinaghihinilaang biktima ng Dengvaxia.

Nitong Biyernes nang kumabig ang PAO lawyers at sinabing wala silang kinalaman sa manifestation.

Ayon sa mga abogado, malinaw na paninira lang ang reklamong korupsyon na inihain laban kay Acosta at ibang akusado.