Inihayag ni US President Donald Trump ang kaniyang pag-uutos sa US National Guard na kumilos para tulungan ang California, New York at Washington na lubhang tinamaan ng coronavirus pandemic.
Ito’y kasunod nang apela ni New York Gov. Andrew Cuomo na gawin na rin sa buong bansa ang pagbibigay ng protective medical supplies tulad ng masks, gowns at gloves.
Layunin umano ni Trump na bigyan ng kapangyarihan ang bawat estado na gamitin ang National Guards para tumulong sa pagkontrol ng virus nang hindi iniisip ang perang gagastusin para rito.
Binigyang-diin din ng American president na ang hakbang na ito ay hindi hudyat ng martial law sa bansa ngunit bilang pagtupad sa pangako ng administrasyon.
Isa na rito ang pagkakaloob sa tatlong estado ng mobile medical centers na mayroong libo-libong hospital beds. Ilan kasi sa mga ospital ay paunti-unti nang nauubusan ng medical supply bunsod na rin sa pagdami ng mga positibong kaso ng COVID-19.
Magpapadala rin ang gobyerno ng dagdag supply ng N95 masks at gloves sa California at New York sa loob ng 48 oras.
“We’re dealing also with other states. These states have been hit the hardest,” saad ni Trump.
“The federal government has deployed hundreds of tons of supplies from our national stocks pile to locations with the greatest need in order to assist in those areas,” dagdag pa ni Trump
Sa ngayon, nasa 7,300 myembro ng National Guards na ang ipinadala sa halos 50 estados, Washington D.C at Puerto Rico.
Batay sa huling datos, lumobo na sa 15,000 ang kaso ng coronavirus sa New York, 1,700 sa Washington at 1,500 naman sa California.