Mariing itinanggi ni US President Donald Trump ang bagong report na inilabas ng World Health Organization (WHO) kung saan nakasaad dito na pumalo na ng 3.4% ang death rate ng mga taong naapektuhan ng 2019 coronavirus infectious disease (COVID-19).
Kamakailan lamang nang ianunsyo ni Tedros Adhanom Ghebreyesus, pinuno ng naturang ahensya, na mas tumaas pa umano ang porsyento ng fatality rate kumpara sa 2% na una nilang inilabas.
Sa isang interview, sinabi ni Trump na haka-haka lamang daw ng ahensya ang inilabas nitong impormasyon. Tinawag pa nitong “mild case” lamang ang coronavirus dahil may mga taong patuloy pa rin na pumapasok sa kani-kanilang trabaho kahit masama na ang pakiramdam ng mga ito.
“Well, I think the 3.4% is really a false number. Now, this is just my hunch based on a lot of conversations with a lot of people that do this, because a lot of people will have this, and it’s very mild,” saad ni Trump
Aniya, mas mababa pa sa 1% ang tunay na death rate na kinakaharap ng mundo dahil sa naturang virus.
Kaagad namang umani ng batikos ang American president dahil sa kaniyang naging pahayag. Anila, hindi raw dapat isipin ng presidente na mas magaling pa ang mga hula nito kaysa sa scientific analysis ng mga eksperto.