KALIBO, Aklan — Sa kabila nang ginagawang pag-ingat ng pamahalaan ng Bermuda ay nakapagtala pa rin sila ng local transmission ng coronavirus disease o covid 19 may dalawang linggo pa lamang ang nakakaraan.
Ayon kay Bombo International Correspondent Engr. Jonard Ong, tubong Kalibo at kasalukuyang nagtatrabaho sa naturang lugar, nang magkaroon ng kaso ng COVID-19 sa Bermuda ay agad na gumawa ang pamahalaan ng pasilidad upang paglagyan ng lahat ng mga pumapasok sa teritoryo upang isailalim sa quarantine.
Doble-ingat umano ang pamahalaan dahil maliit lamang ang naturang isla.
Subalit sa kabila ng pagbaba ng imported case ay patuloy ang pagtaas ng kanilang local transmission case na ikina-aalarma ng mamamayan.
Sa kabuuan ay mayroon ng 84 na kaso ng virus sa isla habang 45 dito ang local transmission.
Dahil dito, nagpasya aniya ang pamahalaan na kanselahin muna ang Bermuda Day celebrations sa buwan ng Mayo upang mapangalagaan ang kapakanan ng mga mamamayan sa isla.
Mahigpit umano ang ipinapatupad na 24 oras na curfew kung saan isang milya lamang ang pinapayagang makalayo mula sa tinitirihan.
Ang lockdown sa isla ay magtatagal hanggang Mayo 2.