-- Advertisements --

Bilang pagtulong sa mga magsasaka mula Baguio City ay naisip ng Pamahalaang Lungsod ng Bacoor na bumili ng mga gulay tulad ng carrots, beans, repolyo, patatas at wombok.

Pinangunahan ang aktibidad na ito ni Bacoor City Mayor Lani Revilla para makapagbigay na rin ng relief goods sa mga BacooreƱo. Tinatayang may kabuuang 24,000 kilos o 24 na toneladang gulay ang binili ng lungsod ng Bacoor para ipamahagi.

Personal na pumunta ang alkalde sa repacking station matapos nitong isailalim ang kaniyang sarili sa self-quarantine.

Ang pagbili ng mga gulay mula sa Baguio ay malaking tulong din sa mga magsasaka ng nasabing lungsod para hindi tuluyang mabulok at masayang lamang ang mga aning gulay dahil sa Luzon-wide Community Quarantine.

Kung matatandaan, isa ang agrikultura sa lubhang naapektuhan ng coronavirus outbreak na hinaharap ng Pilipinas.

Bukod sa makatulong sa mga magsasaka ay layunin din umano ni Mayor Revilla na makapagbigay ng masustansyang relief goods sa kaniyang nasasakupan.

Ang ikalawang bugso naman ng delivery ng mga gulay ay dumating na sa Bacoor upang matiyak na kaagad itong mai-repack at ipamigay sa mga mamamayan ng lungsod.

Inaasahan na aabot ang 8,000 pamilya sa Bacoor ang mabibigyan ng masustansyang pagkain bukod pa sa mga relief packs na ipinamamahagi rin ng pamahalaan.