-- Advertisements --

Nakatakdang ipagbawal ng Indian government ang pag-export sa mga surgical face masks, ventilators at respirators dahil kinukulang na rin daw ang bansa sa supply ng materyales.

Inaasahan naman na aaprubahan kaagad ito ng Directorate General of Foreign Trade.

Naging mahirap para sa mga negosyante na maghanap ng mga materyales na ginagamit upang gumawa ng masks. Anila, nagmahal daw kasi ang presyo ng mga materyales na kanilang nabibili.

Nakaranas din ng panic buying sa face masks ang mga tao sa India sa kabila ng ibinibigay na katiyakan ng gobyerno na hindi ito kakailanganin.

Layunin umano ng export ban na ito na paramihin ang supply para sa domestic market at pababain din ang presyo.