Inanunsyo ni US President Donald Trump ang pagsusulong nito sa Defense Production Act upang magbigay tulong sa mga private sector.
Ang hakbang na ito ay gagawin para lalo pang dumami ang produksyon ng medical supplies at equipments dahil pa rin sa banta ng coronavirus pandemic.
Unang ipinatupad noong 1950 ang Defense Production Act bilang tugon sa Korean War hanggang Cold War at simula noon ay halos 50 beses na itong ginagamit.
Sa ilalim ng naturang panukala ay kakailanganin ng mga negosyo na pumirma ng kontrata o sumunod sa utos na kinakailangan para sa national defense.
Hindi naman naging malinaw ang pangulo sa detalye ng panukala ngunit aniya sakop nito ang manufacturing at distribution ng ventilators at masks.
“It can do a lot of good things if we need it. We’ll have it all completed, signing it in just a little while,” ani Trump sa isinagawang press conference sa White House.
Narito ang tatlong section ng Defense Production Act:
- Kakailanganin na gawing prayoridad ng mga kumpanya ang kontrata mula sa gobyerno pati na rin ang mga materyales, serbisyo, at mga pasilidad upang paunlarin ang national defense at mapakinabangan ang domestic energy supplies.
- Pagbibigay ng financial assistance — loans, loan guarantees, purchases at purchase commitments — para pabilisan ang produksyon ng mga materyales na kakailanganin para suportahan ang national defense at homeland security procurement requirements.
- Kasama rin sa panukala ang voluntary agreements o pampribadong interes ng gobyerno na aaprubahan naman ng American government upang magkaroon ng plano at iisang aksyon para suportahan ang national defense.
Sa oras na maipatupad ang Defense Production Act ay maaaring humingi ang American government ng impormasyon tungkol sa mga negosyo, pagbibigay pahintulot na magtatag ng National Defense Executive Reserve at Committee on Foreign Investment.
Kakailangan din ng administrasyon na mag-file ng annual report sa Kongreso.
Batay sa kasalukuyang datos, mayroon nang 6,519 coronavirus cases sa US at 114 katao na ang namamatay dahil dito.