Reading Time: 1 minute

Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na tanging ang mga presong kabilang sa cleaned list na ibibigay sa kanila ng Department of Justice (DOJ) at Bureau of Corrections (Bucor) ang magiging target ng kanilang manhunt operations.

Ito’y matapos ihayag ng DOJ na marami sa mga tinatawag na ex-convict ang tumatangging umalis ng New Bilibid Prison (NBP) matapos sumuko kahit wala naman sila sa listahan.

Ayon kay PNP spokesperson B/Gen. Bernard Banac, hinihintay na lang nila ang updated at nalinis nang listahan ng DOJ at ng BuCor kaya walang dapat ikabahala ang mga naturang bilanggo.

Una rito, sinabi ni DOJ spokesman Usec. Mark Perete, kaya ayaw umalis ng NBP ang mga sumukong convicts pero wala sa listahan ay dahil nangangamba ang mga ito sa kanilang kaligtasan.

Ito ang dahilan kaya humihingi ng sertipikasyon ang mga nasabing inmates sa BuCor na nagsasaad na malinis na sila at hindi na kailangan pang muling arestuhin ng mga pulis, bagay na pagbibigyan naman ng DOJ.

Sa datos na inilabas ng PNP nitong September 20, nasa 697 convicts ang sumuko habang 410 ang nai-turnover sa Bucor.

“The PNP assures the public that convicts subject for manhunt by the PNP will only be those that will appear on the clean list to be provided by DOJ. So there’s no cause for alarm and there’s nothing to worry about security,” ani Banac.