-- Advertisements --

Maaari na ring makatanggap ang mga contractual na empleyado sa mga hotel at restaurant ng share mula sa nakolektang service charge o ang halagang idinagdag sa bill ng kustomer para sa serbisyong ibinigay ng waitress o waiter sa restaurant o hotel staff.

Ito ang kinumpirma ni Labor Undersecretary Benjo Santos Benavidez kasunod ng paglalabas ng Department Order na nagaamyenda sa implementing rules and regulations ng Republic Act Number 11360 o Service Charge Law.

Ibig sabihin hindi na lamang mga direct employed ang makakatanggap ng service charge kundi lahat na ng manggagawa directly hired man o na-hire ng lehitimong kontraktor maliban na lamang sa managerial employees.

Sa naturang DO, ang mga empleyado ay dapat na makatanggao ng kanilang service charge nang isang beses sa kada 2 linggo, o 2 beses sa isang buwan na may interval na hindi hihigit sa 16 na araw.

Una ng nilagdaan ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma ang kautusan noong Huwebes, Pebrero 1 na magiging epektibo 15 araw pagkatapos mailathala sa dalawang pahayagan. (With reports from Bombo Everly Rico)