LEGAZPI CITY- Inilunsad na ng lokal na gobyerno ng Sorsogon ang malawakan na contact tracing para sa lahat ng mga taong nakasama ng lalaking seaman na kauna-unahang nagpositibo sa coronavirus disease sa lalawigan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Dong Mendoza, tagapagsalita ni Sorsogon Governor Chiz Escudero, nasa 20 close contact ng COVID-19 patient ang natukoy na at agad isinailalim sa COVID rapid testing.

Hinihintay pa umano ang magiging resulta ng test habang naka-quarantine na ang mga ito.

Samantala, naglunsad din ang Sorsogon ng log book system kung saan kinukuha ang pangalan, adaress at cellphone number ng lahat ng pumapasok sa lalawigan at sumasakay sa mga pampublikong sasakyan upang mabilis ang contact tracing sakaling may magpositibo pa sa sakit.