-- Advertisements --

Kampante ang Department of Health (DOH) na mako-kontrol ng pamahalaan ang sitwasyon ng COVID-19 sa Metro Manila at mga karatig na lalawigan, sa pamamagitan ng modified enhanced community quarantine (MECQ) na ipapatupad simula August 4.

Sa isang panayam sinabi ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire na magbubukas para sa mas mahigpit na contact tracing ang ipapatupad na MECQ. Bibigyang pagkakataon din daw ng hakbang ang assessment ng mga opisyal sa localized lockdowns sa pamamagitan ng CODE Protocol.

Magtatagal hanggang August 18 ang MECQ na ipapatupad din sa Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal.

Umaasa ang DOH na makakatulong ang pagbabalik ng mahigpit na antas ng community quarantine para mapigilan ang tuluyang pagkalat ng sakit.

Inamin ni Usec. Vergeire kamakailan na hindi na lang increased testing ang dahilan ng maraming kaso, kundi pati na rin ang community transmission dulot ng pinaluwag na quarantine measures.

Nitong Lunes pumalo na sa higit 106,000 ang kabuuanng bilang ng COVID-19 cases sa bansa dahil sa higit 3,000 new cases.