-- Advertisements --

Ipinaalala ng Department of Health (DOH) na dapat magsimula agad ang contact tracing kahit pending pa ang resulta sa COVID-19 test ng mga probable at suspected cases.

Pahayag ito ng ahensya sa gitna ng reklamo ng ilang pasyente na hindi umano nakakatanggap ng palagiang monitor mula sa mga nakatalagang opisyal.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire kahit pa mga local government units na ang may mandatong manguna sa contact tracing, naka-alalay pa rin ang kagawaran sa pamamagitan ng inilalabas at binubuong guideilines.

“Nakita natin na mayroon tayong konting gaps dito sa pagpapatupad ng contact tracing kaya tayo nag-recalibrate ng strategy kung saan kasama dyan ang appropriate and adequate contact tracing.”

“We are adopting the Magalong formula, iyong 1:37, ibig sabihin yung isang tao na makita mo na may sakit na COVID-19, kailangan at least 37 individuals ang ma-contact trace mo.”

Kaakibat daw ng contact tracing ang pagsisiguro na nabibigyan din ng karampatang serbisyo at responde ang matutukoy na close contacts.

“What would be most important? Its not really the ratio, sabi nga ni Mayor Magalong, ‘yang number na yan, parang benchmark lang natin yan para alam natin if we’re hitting it, we’re good; if we’re not hitting it, we should do more. Pero what’s most important is what we do beyond the numbers.”

“Makakuha ka nga ng 37, okay you have reached the target, pero ano ang ginawa mo sa 37? Did you immediately isolate the within eight hours? Ikaw ba ay nakapag-contact trace further after noon?”

Bumabalangkas na raw ngayon ang DOH ng bagong contact tracing form na tutukoy sa kung gaano katagal at kabilis ang naging contact tracing at isolation ng close contacts ng bawat confirmed cases.

“Kailangan kahit na hindi pa lumalabas ang test results, once you identify mo na ang pasyente is suspect or probable, kailangan umpisa na ang contact tracing. Hindi na aantayin ang test result.”