-- Advertisements --

Inamin ng White House na inutusan nito ang China na tuluyan nang isara ang consulate ng nasabing bansa na matatagpuan sa Houston, Texas.

Sa isang pahayag, sinabi ni State Department spokesperson Morgan Ortagus na ang pagpapasara ng konsulada ay upang protektahan ang intellectual property ng Amerika maging ang mga pribadong impormasyon ng mamamayan nito.

Alinsunod na rin umano sa Vienna Convention na walang karapatan ang China na mangialam sa internal affairs ng Amerika.

Binigyang-diin din ni Secretary of State Mike Pompeo, na kasalukuyang nasa Denmark, ang di-umano’y dalawang Chinese hackers na sinubukang nakawin ang COVID-19 development research ng bansa.

Hindi na rin nakapagpigil si Republican Senator Marco Rubio na ipahayag ang kaniyang pananaw sa nangyayari. Sa isang tweet sinabi nito na ang konsulada ng China sa Houston ay hindi umano isang diplomatic facility. Ito raw ay isang central node ng mga espiya mula Communist Party of China at sinusubukang impluwensyahan ang operasyon ng US.

Tila naghahanda naman ang Chinese government na gumanti sa US. Batay kasi sa mga impormasyon ay ipag-uutos umano ng China nag pagsasara ng US Consulate General sa Wuhan.