-- Advertisements --

Naghain si Cavite Rep. Elpidio Barzaga Jr. ng isang resolusyon na humihimok sa mga kasamahan sa Kamara na boluntaryong mag-ambagan ng pera para maibigay sa pamilya ng pinatay na broadcaster na si Percy Lapid.

Sa House Resolution 508, binanggit ni Barzaga na siya ay mayroong P100,000 na “voluntary contribution” sa pamilya ni Percival Mabasa.

Nakasaad sa resolusyon ni Barzaga na ang lahat ng donasyon ng ibang kongresista ay kokolektahin ni House Secretary General Reginald Velasco.

Ang anumang halaga na makokolekta ay agad ibibigay sa pamilya Mabasa.

Nauna nang naglabas ang Kamara ng P5 million na “reward” o pabuya para sa makapagtuturo o makapagbibigay ng impormasyon laban sa mga nasa likod ng pagpatay kay Lapid.

Paliwanag ni Bargaza, bagama’t “commendable” ang pagbibigay ng reward na ito ay mahalaga ring tulungan ang pamilya Mabasa na ngayon ay nahaharap sa samu’t saring pagbabanta sa kanilang buhay o intimidasyon.

Kaya naman naniniwala si Barzaga na mabuting tumulong ang Kamara sa pamilya Mabasa, sa pamamagitan ng financial assistance.