Tinatayang nasa 200 hanggang 215 na miyembro ng House of Representatives ang inaasahang boboto pabor sa pag-adopt ng articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, ayon sa ilang mambabatas mula sa majority at minority bloc.
Ayon kay Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, nasa humigit-kumulang 215 kongresista na ang nagpahayag ng suporta sa impeachment, higit pa sa kinakailangang one-third vote o 106 boto mula sa 318 miyembro ng Kamara.
Sinabi naman ni Tingog Party-list Rep. Jude Acidre na posibleng umabot sa dalawang-katlo ng Kamara ang susuporta sa impeachment sa oras na maisalang ito sa plenaryo sa Mayo 11. Aniya, mas marami umano ang nakumbinsi matapos makita at masuri ang mga ebidensyang iniharap sa mga pagdinig ng House Committee on Justice.
Giit ng mga kongresista, naging mahalagang salik din ang hindi pagdalo ni Duterte sa mga clarificatory hearing ng komite habang tinatalakay ang mga alegasyon laban sa kanya, kabilang ang umano’y misuse ng confidential funds at iba pang isyu.
Kapag naaprubahan sa plenaryo ang articles of impeachment, ito na ang ikalawang impeachment case laban kay VP Duterte sa loob lamang ng dalawang taon. (report by Bombo Jai)
















