Hinamon ni ACT-CIS partylist Cong. Eric Yap ang Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na ilabas ang pangalan ng mga kongresista na mapapatunayang sangkot sa umano’y korapsyon sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ito ay matapos ang naging pahayag ni PACC Commissioner Greco Belgica na ilang mambabatas daw ang nakipagsabwatan sa mga tiwaling opisyal ng DPWH.
Bukod sa pagsasapubliko ng mga pangalan ay nais din ni Yap na ilabas ni Belgica ang lahat ng ebidensya upang suportahan ang kaniyang mga alegasyon.
Kung hindi raw kasi maglalabas ng ebidenya si Belgica ay para na rin nitong sinabi na lahat ng mga kongresista at senador ay sangkot sa tiwaling gawain.
Ayon pa sa chairperson ng House appropriations committee, para na rin daw binastos ni Belgica ang Kongreso ilang institusyon.
Nararapat lang aniya na igalang ni Belgica ang Kongreso at Senado.
Sa kabila nito ay hahayaan na lamang umano ng Kamara na magsagawa ng imbestigayon ang Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI).
Nalungkot naman si House Speaker Lord Allan Velasco dahil ilan sa mga kongresista ang pinupukol sa anomaliyang nagaganap sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno.