-- Advertisements --

Umapela si House Committee on Ways and Means Chairman at Albay 2nd district representative Joey Sarte Salceda sa Department of Information and Communications Technology (DICT) na ireconsider ang pasya nito na paikliin ang panahon ng SIM registration.

Ang pahayag ni Salceda, ay kasunod ng desisyon ng DICT na paagahin sa April ang deadline ng SIM registration na unang itinakda hanggang sa Hunyo ngayong taon.

Para kay Salceda, masyado pang maaga para magpasya ang DICT hinggil dito dahil hindi pa naman natitiyak ngayon kung gaano kabilis makakapagparehistro ang milyun-milyong Pilipino na gumagamit ng SIM.

Punto ni Salceda, dapat unawain ng DICT na hindi lahat ng SIM card holders ay mayroong smart phone o malakas na signal ng internet na kailangan para sa online na paraan ng pagpaparehistro ng SIM.

Paliwanag pa ng mambabatas malinaw na itinatakda sa Implementing Rules and Regulations ang 180 days na SIM registration period na nagsimula noong December 27, 2022 hanggang June 2023 na maaari pang palawigin hanggang 120 days.