-- Advertisements --

Naungkat sa budget debate sa plenary sa House of Representatives ang malaking alokasyon para sa “confidential at intelligence funds” ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, sa ilalim ng panukalang 2023 National Budget.

Sa debate para sa 2023 General Appropriations Bill o GAB, pinuna ni Gabriela Party List Rep. Arlene Brosas ang P2.5 billion confidential funds ng Office of the Presidento OP at P500 million confidential funds ng Office of the Vice President o OVP, maging ang budget ng Defense Department at NTF-ELCAC.

Sinabi ni Brosas na dapat mas pagtuunan at gamitin ang pondo ng mga ito sa mga programa na titiyak ng paglago ng ekonomiya ng bansa at pagbibigay ng ayuda para sa mga mamamayan.

Ipinalilipat naman ni Brosas sa Special Education o SPED program ang ilang “confidential at intelligence funds” ng Office of the President o OP, Office of the Vice President o OVP o iba pang ahensya sa ilalim ng 2023 National Budget.

Sagot naman ng sponsor na si House Committee on Appropriations vice chairman Stella Quimbo, ang OP at OVP ay pwedeng maihambing sa “ulo” ng isang tao, na pinaka-importanteng parte ng katawan.

Hindi aniya magiging tama ang direksyon ng bansa kung hindi popondohan ng sapat ang tanggapan ng dalawang pinaka-mataas na pinuno ng bansa.

Pagdating naman sa national security, sinabi ni Quimbo na naging maliwanag ang pahayag ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. na hindi isusuko ng ating bansa ang kahit “single inch” ng ating teritoryo.

At dahil dito, kailangan ding lagyan ng sapat na alokasyon ang Department of National Defense dahil mahalaga na matiyak na mapayapa ang ating bansa.

Hindi natapos ang pagbusisi rito ni Brosas, at sinabing kahit pagsama-samahin ang budget ng lahat ng social protection programs, aabot lamang ito sa P168 billion o katumbas ng 3.2% ng P5.268 trillion 2023 budget.

Giit ni Brosas, kapos na kapos ang pondo para sa social protection programs gaya ng 4Ps, at may mga ahensiya naman na uubrang paghugutan ng kailangang budget.