-- Advertisements --

Tiniyak ng Department of Education na pag-aaralan at mas paiigtingin pa ng kanilang kagawaran ang pagpapatupad ng comprehensive sex education sa bansa.

Layunin nitong matugunan ang tumataas na bilang ng teenage pregnancy cases sa Pilipinas partikular na sa mga mag-aaral sa basic education.

Ayon kay DepEd Assistant Secretary Alma Ruby Torio, ang comprehensive sex education ay kabilang sa iba’t-ibang learning areas tulad ng values education, good manners and right conduct, health and technology and livelihood.

Aniya, sa ngayon ay mayroong flexible options ang mga mag-aaral ukol dito at isa na rito ay ang probisyon ng DepEd na alternative learning delivery mode at appropriate learning delivery para naman sa mga mag-aaral na mayroong espesyal na pangangailangan.

Batay kasi sa resulta ng National Demographic and Health Survey ng Philippine Statistics Authority, lumalabas na 8.6% ng mga babaeng menor de edad na may edad na 15 hanggang 19 taong gulang ang nagdalang tao noong taong 2017.

Ito ang isang pangunahing dahilan kung bakit napipilitang tumigil sa pag-aaral ang mga ito.

Dahil dito ay puspusan ang ginagawang pag-aaral ngayon ng DepEd upang tugunan ang mga suliraning ito.