Umaapela si Bayan Muna party-list Rep. Carlos Isagani Zarate na magkaroon ng “complete demilitarization” sa South China Sea para mapahupa ang tensyon sa rehiyon.
Ginawa ito ni Zarate sa harap pananatili pa rin ng ilang Chinese vessels sa Julian Felipe Reef at ang umano’y pagpasok ng US Navy strike group sa lugar noong Abril 4 para makapagsagawa ng routine operations.
Lumalabas kasi aniya na kumikilos na rin ang Western powers, partikular na ang Estados Unidos, France at iba pa, para mapalakas pa lalo ang military at naval presence sa rehiyon kasunod na rin ng agresibo at expansionist actions ng China.
Ayon kay Zarate, maaring maging “potential flashpoint” para sa anumang gulo ang mga hakbang na ito ng iba’t ibang bansa sa naturang rehiyon.
Kaya naman dapat kumalma aniya ang mga military powers kasabay nang kanilang apela na aprubahan na ang code of conduct para sa lahat ng claimants sa lugar.
Samantala, hinimok naman ni Zarate ang pamahalaan na magkaroon ng mas assertive na posisyon laban sa mga hakbang ng China sa lugar.
Maari aniya na magkaroon ng kolektibong boses ang Kongreso laban sa agresibong asal ng China.