-- Advertisements --
image 620

Tinatayang lalagpas pa umano sa P1.1 billion ang compensation claims na babayaran sa mga apektado ng tumagas na langis sa Oriental Mindoro bunsod ng paglubog ng oil tanker na MT Princess Empress.

Paliwanag ni House tourism committee vice chair Rep. Marvin Rillo na kung ibabase sa nangyaring paglubog ng MT Solar noong 2006 na nagdulot din ng malawakang oil spill umaabot sa kabuuang P1.1 billion ang ibinayad para sa 26,872 compensation claims kabilang ang mga claim mula sa mga may-ari ng beach resorts, tour boat operators at iba pang tourism service providers na naapektuhan.

Saad pa ng mambabatas na kung ikokonsidera ang insidente sa MT Solar 17 taon na ang nakakalipas na posibleng lumagpas pa ang P1.1 billion ang pinsalang babayaran ng may-ari ng MT Princess Empress.

Inaasahan din na maghahain din ng claims ang mga lokal na pamahalaang apektado ng oil spill dahil kailangan nilang bayaran ang kanilang manggagawa kabilang ang clean-up contractors at Philippine Coast Guard (PCG).

Inanunsiyo naman ni Governor Humerlito “Bonz” Dolor na maglalagay ang pamahalaang panlalawigan ng claims office sa kanilang capitol para asistihan ang mga residente na kukuha ng kanilang claim para maiwasan na din ang pagdumog ng mga tao.

Una ng sinabi ng abogado mula sa insurer company ng MT princess Empress na ang mga makakatanggap ng compensation claims ay nakadepende sa naging epekto ng oil spill.