-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Kinumpirma ni Mayor Bernard Dy na mayroon ng community transmission ng COVID-19 sa Cauayan City.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Mayor Bernard Dy na batay sa rekomendasyon ng Kagawaran ng Kalusugan o DOH ay mayroon ng community transmission sa lungsod.

Dahil dito, magiging istrikto ang pagpapatupad ng mga health protocols gayundin sa pagbibigay ng travel pass habang lilimitahan na rin ang paglabas ng mga tao na magtutungo sa ibang lugar.

Gayunman ay tiniyak ng punong lunsod na hindi magpapatupad ng city wide lockdown at tanging mga apektadong lugar lamang ang isasailalim sa lockdown.

Sa ngayon ay kontrolado ang sitwasyon dahil ang mga bagong pasyente ay close contact ng mga dati ng nagpositibo at nauna na silang naisolate.

Dagdag pa nito na wala ring tinututukan na mga barangay.

Sa kabila naman ng pagtaas ng mga naitatalang kaso ay hindi magsasagawa ng mass testing sa lunsod dahil wala ng pondo at hindi kakayanin.

Sa ngayon ay umabot na sa limampu’t walo ang aktibong kaso ng COVID-19 sa lungsod habang tatlo naman ang nasawi.

Samantala, sinabi ni Mayor Bernard Dy na walang opisyal ng pamahalaang lunsod ang nagpositibo pero kinumpirma nito na may empliyado ng city hall ang nagpositibo.

Gayunman ay tuluy-tuloy naman ang transaksyon sa naturang tanggapan.