-- Advertisements --

Maaaring agad na pigilin ang operasyon ng mga community pantry kung sakaling makikitaan ito ng paglabag sa ipinatutupad na minimum health protocols.

Ito ang inihayag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa gitna ng kontrobersiya sa pagbubukas ng mga community pantry sa bansa.

Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, nakatakda silang maglabas ng advisory at memo sa mga local government units (LGUs) kung saan tinutukoy ang mga hakbang kung papaano maisasa-ayos ang community pantry na inisyatibo ng mga pribadong sektor o indibidwal.

Dapat din umanong na makipag-ugnayan ang mga organizer ng community pantry sa LGUs para matiyak ang epektibong pagpapatupad ng health protocol at kapayapaan.

Ang koordinasyon ang pagbabatayan ng barangay, kung ilang tanod o bantay bayan ang ipapadala sa venue ng pantry.

Giit ni Año, nais lamang nilang tiyakin na ang pagbubukas ng community pantry na ito sa iba’t ibang lugar sa bansa ay hindi magdudulot ng marami pang kaso ng deadly virus.