-- Advertisements --


TUGUEGARAO CITY – Tanging ang “go signal” na lang umano ni Dante Balao, director ng Office of Civil Defense (OCD)-Region 2, ang hinihintay ng isang team ng mga experts sa communication technology para sa kanilang deployment sa Pampanga o Eastern Samar na magkasunod niyanig ng malakas na lindol kamakailan.

Sinabi ni Engr. Ramon Narte, emergency communication consultant ng OCD-Region 2 at miyembro ng Philippine Amatuer Radio Association o PARA, lima ang miyembro ng team na kinabibilangan ng tatlo mula sa Cagayan at dalawa mula sa Isabela na pawang mga eksperto umano sa emergency communications technology na kailangan sa panahon ng kalamidad

Ayon sa kanya, sakaling sila ay matuloy ay bitbit nila sa kanilang pagtungo sa mga nasabing lugar ang kanilang communications equipment.

Ilan dito ang high frequency radio at iba na compatible aniya sa mga ginagamit ng mga rescuers sa Ground Zero sa Pampanga.

Idinagdag pa ni Narte na nakahanda rin ang PARA sakaling may darating na iba pang kalamidad sa bansa.

Sinabi niya na may sariling communications equipment ang PARA na maaaring gamitin kahit sa kasagsagan ng kalamidad o sa panahon na walang kuryente o signal ng mga telepono.

Dagdag nito na handa silang mag-volunteer para makatulong sa kahit anong may kaugnayan sa komunikasyon.