-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Plano ngayon na magtayo ng mga common kitchen preparation area sa lahat ng evacuation centers para sa mga nagsilikas na residente na apektado ng bulkang Mayon.

Ayon kay Engr. William Sabater, coordinator ng WASH Program ng Albay Provincial Health Office, ang pagtatayo ng nabanggit na communal areas ay sadyang kailangan upang lahat ng pamilya ay malayang makapagluluto ng ihahain sa kanilang hapag-kainan.

Nilalayon din ng hakbang na mapanatili ang kalinisan sa mga paaralan, at maging organisado ang mga kaganapan sa paaralan.

Maliban sa food preparation areas, nais din ng PHO na magtayo ng common bathing area lalong-lalo na para sa mga kababaihan na kailangan ng privacy sa paggamit ng mga palikuran.

Para maiwasan ang pagbara ng mga palikuran, maglalagay rin ng drainage system ang PHO upang mabilisang madispose ang mga waste materials.

Sa water supply naman, magbibigay rin ang PHO ng water testing kit upang masuri kung ligtas gamitin at inumin ang tubig para sa domestic potable water supply.

Tiniyak ng opisyal na aasahan na ng mga evacuees ang naturang mga pasilidad sa susunod na mga araw, bagay na tututukan ng lokal na gobyerno at mga kinauukulang ahensya.