-- Advertisements --

Maantala muna ang paglalabas ng report ng Senate committee on national defense.

Ito ang sinabi ni Sen. Panfilo Lacson, matapos makitaan nila ng inconsistencies ang ilang bahagi ng dokumentong nai-presenta ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagdinig kaya kailangan muna itong muling marepaso.

Partikular na rito ang listahan ng mga estudyanteng sumanib umano sa New People’s Army (NPA).

Aniya, lumalabas na sa maling impormasyon ibinase ng militar ang pagkansela nito sa University of the Philippines (UP)-Department of National Defense (DND) accord.

Matatandaang nakatala sa naturang dokumento na nahuli o napatay na ng mga sundalo ang mga nakalistang pangalan ng mga naging NPA members na nanggaling sa UP.

Pero ilan sa mga ito ang lumutang sa publiko, kagaya nina Atty. Alex Padilla at Atty. Rafael Angelo Aquino ng Free Legal Assistance Group (FLAG) para ipakitang buhay sila, hindi naaresto at lalong hindi raw NPA members.

Nilinaw ng senador na hindi na kailangan ng panibagong hearing, dahil validation na lang ng mga record ang kanilang gagawin para matapos na ang panel report.