KORONADAL CITY – Tiniyak ni Koronadal City Mayor Eliordo Ogena na magsasagawa sila ng malalimang imbestigasyon at pananagutin ang mga empleyado ng Koronadal City Hall na nakunan ng video sa isinagawang undercover inspection ng Civil Service Commission (CSC).
Napag-alaman na si CSC Commissioner Aileen Lizada ang mismong nagsagawa ng undercover inspection na kaniyang labis na ikinadismaya.
Nakapagtala kasi ng napakaraming paglabag sa Code of Conduct and Ethical Standards ang ilang mga empleyado ng Koronadal-local government unit.
Kabilang sa mga bayolasyon ay ang hindi paggamit ng ID ng mga empleyado, paggamit ng cellphone sa kalagitnaan ng trabaho, walang tao ang information desk at may naaktuhan pang nagbebenta ng alahas.
Samantala, hindi rin nakaligtas ang mga tanggapan ng Commission on Higher Education-12 at Department of Trade and Industry na may kakulangan sa pagbibigay ng serbisyo sa mga kliyente; Bureau of Fire Protection-12 na walang tao sa frontline service desk; at Land Transportation Office-12 na napatunayang may mga fixers pa rin.
Sa mga nabanggit na ahensiya, tanging ang Bureau of Jail Management and Penology ng Koronadal lamang ang pinuri nito na sumusunod sa regulasyon ng CSC.