-- Advertisements --
voters

Agad daw pag-aaralan ng Commission on Elections (Comelec) kapag natapos na ang voter registration kung kailangan pa ang dagdag na pondo para sa barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections na isasagawa ngayong taon.

Ayon kay Comelec Commissioner Erwin George Garcia, noong sila daw ay lumapit sa Kongreso ay nahirapan silang humirit ng karagdagang pondo dahil hindi pa naman daw nila alam kung ilan ang kabuuang bilang ng mga magpaparehistro.

Kaya naman, mas maigi umanong humingi ng karagdagang pondo kung kinakailangan pagkatapos na ng voter registration dahil kailangan daw nila itong iprisinta sa Kongreso.

Ito ay para matukoy din ang kailangang presinto, ilan ang kailangang guro at ilan ang election paraphernalia na kakailanganin.

Dito raw nakabase ang kanilang computation ng ibibigay ng pondo.

Noong nakaraang taon, nakabase raw sa 91 million na para sa December 5, 2022 ang pondo para sa isasagawa sanang halalan.

Ang pondo para sa 2022 barangay at Sangguniang Kabataan ay mayroong pondong P8.4 billion.

At dahil naipagpaliban ang halalan ngayong taon ay nangangailangan ang komisyon ng karagdagang budget.

Una rito, humiling na ang Comelec ng karagdagang P10 billion na pondo.

Pero sinabi ni Comelec spokesperson Rex Laudiangco na naglaan lamang ang Kongreso dito ng P2.7 billion na nasa ilalim ng national budget ngayong taon.

Noong Sabado, sinabi naman ni Garcia na posible raw na mangailangan sila ng karagdagang P2.7 hanggang sa P3 billion para sa halalan ngayong taon kapag lumagpas sa isang milyon ang bilang ng mga bagong botante para sa 2023 elections.

Sakali naman daw na walang ilalaan na karagdagang pondo para sa halalan ngayong taon, sinabi ni Garcia na hindi rin makatatanggap ng karagdagang honoraria ang mga gurong magtatrabaho bilang electoral board members sa 2023 barangay at Sangguniang Kabataa elections.