Target ng Commission on Elections na maabot ang 1 milyon hanggang 1.5 milyong bagong botante matapos ipagpatuloy ang pagpaparehistro ng mga botante ngayong araw hanggang Enero 31, 2023.
Sinabi ni Comelec spokesman Atty. John Rex Laudiangco na isasagawa ang voter registration araw-araw mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon, maliban sa Linggo, sa Office of the Election Officer ng lungsod, munisipalidad o distrito kung saan naninirahan ang aplikante.
Walang rehistrasyon ng botante sa Disyembre 24 at 31.
Sinabi ni Laudiangco na nais ng Comelec na maagang gawin ang voter registration bilang paghahanda sa barangay at Sangguniang Kabataan polls sa Oktubre 2023.
Nagsusumikap din ang poll body sa pagbubukas ng satellite voter registration sa mga mall.
Hinimok ng tagapagsalita ang mga nagparehistro na mag-download at mag-fill up ng mga registration form na makikita sa website ng Comelec para sa mas mabilis na transaksyon.
Bukod sa voter registration, tatanggap din ang Comelec ng applications for transfer, reactivation of registration, change or corrections of entries in the registration records, reinstatement ng pangalan sa listahan ng mga botante, at paglipat ng registration records mula sa post tungo sa local.
Ang Comelec ay muling isinaaktibo ang kanilang “Register Anywhere” na proyekto para sa mga taong mula sa kanilang mga permanenteng tirahan dahil sa trabaho, negosyo o pag-aaral. Ang mga rehistrante ay kailangang magdala ng anumang valid ID maliban sa cedula at police clearance.