-- Advertisements --
comelec 1

Todo paliwanag ngayon ang Commission on Elections (Comelec) sa kanilang panukalang i-criminalize ang mga nuisance candidates.

Ayon kay Comelec spokesperson John Rex Laudiangco, kasunod na rin ito ng pagbasura ng komisyon sa pagkapanalo ni Negros Oriental Governor Henry Teves noong May 2022 sa gubernatorial race.

Ito ay dahil na rin sa mga botong nakuha ng nuisance candidate na si “Ruel Degamo” na napunta sa isa pang tumatakbong si dating Governor Roel Degamo.

Dahil dito, kailangan na raw mahinto ang gawain ng mga nuisance candidate na siyang nagiging trend sa kada halalan.

Base raw sa Comelec Rules of Procedure Part V, Rule 24, ang sino mang kandidatong walang magandang hangarin sa pagtakbo sa public office at inilagay nito sa katatawanan at magdadala nang kalituhan sa mga botante sa pamamagitan ng pagkakapareho sa mga pangalan ng mga registered candidates ay puwede itong ideklarang nuisance candidate.

Sa ngayon, isusulong daw sa pamamagitan ng administrasyon ni Chairman George Garcia na ang mga ganitong bagay ay mai-deklara, ma-criminalize dahil kada halalan na lamang ay marami ang mga tumatakbong nuisance candidate.

Nais daw ng komisyon na makulong at magmulta ang mga ganitong kandidato na nakagugulo sa electoral process.

Una nang inihirit ni chairman Garcia sa Congress na amiyendahan ang rules of procedure laban sa mga nuisance candidates.

Naniniwala si Garcia na ito na ang tamang panahon para ma-update ang ibig sabihin ng nuisance at kung sino-sino ang mga nuisance candidates.

Inirekomenda rin ito ang Garcia criminal charges na maisasampa sa mga nuisance candidates kung mapatutunayang ang kanilang layunin sa pagtakbo sa public office ay para ilagay ang halalan sa kahihiyan.

Nagbigay na rin daw ito ng direktiba sa Comelec en banc na gumawa ng desisyon kaugnay ng nuisance candidacy hanggang sa buwan ng Disyembre kung matutuloy ang 2022 barangay at Sangguniang Kabataan elections.