-- Advertisements --
Comelec building 2022 05 26 01 04 03

Nakatakda na raw magsagawa ang Commission on Elections (Comelec) ng random manual audit para sa special elections sa ika-pitong distrito ng Cavite sa loob ng mga polling precincts.

Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, kasunod na rin ito ng isasagawang special elections na isasagawa sa Pebrero 25.

Ang isasagawa daw kasing halalan ay autonamted at gagamitin ang mga vote counting machines na ginamit noong 2022 kaya kailangang isagawa ang random manual audit.

Paliwanag niya, isasagawa daw mismo ito sa presinto na mapipili at doon mismo bibilangin manually ang mga balota upang malaman kung tugma o tama sa bilang ng mga makina.

Sa pamamagitan ng random manual audit ay masusubukan ang performance ng mga vote counting machines (VCMs) at ma-examine at ma-validate ang accuracy ng mga balota.

Kung maalala, itinakda ng Comelec ang special election sa ika-pitong congressional district ng Cavite sa Pebrero 25 para sa nabakanteng puwesto ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla matapos itong italaga ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr bilang kalihim ng Department of Justice (DoJ).

Sakop naman ng seventh congressional district ng Cavite ang mga munisipyo ng Amadeo, Indang at Tanza at ang siyudad ng Trece Martires.