Isasalang daw muna ng Commission on Elections (Comelec) ang kanilang mga tauhan sa pagsasanay bago ipagpatuloy ang voter registration sakaling ipagpaliban ang December 2022 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Paliwanag ni Comelec Spokesperson John Rex Laudiangco, layon ng pagsasailalim sa pagsasanay ng kanilang mga personnel ay para maging seamless ang kanilang sistema.
Dahil dito, posibleng isagawa ang registration sa huling linggo ng Nobyembre.
Ito ay kapag napirmahan na bilang isang ganap na batas ang bill ngayong buwan ng Oktubre.
Magiging highlight naman daw sa event ang initial implementation ng “register anywhere” system sa Metro Manila.
Ang “register anywhere” scheme para sa mga voter registrants ay para sa mga botante sa National Capital Region (NCR).
Sa pamamagitan daw ng bagong scheme, ay magkakaroon ng pagkakataon para makapag-register ang mga aplikante sa mga booths sa ilang establishmen gaya ng mga mall.
Kung maalala, dati ay kailangan pa ng mga registrants na bumisita sa Comelec office o satellite offices sa kanilang mga lokalidad kung saan sila nakatira.
Pero sa pamamagitan ng “register anywhere” scheme, ang application ay maipapasa na sa Comelec office sa mga lokalidad kung saan nakatira ang mga bontante.
Ang posting naman daw ng pangalan para makapag-comply kasama ang full disclosure at due process ay doon pa rin daw sa munisipyo isasagawa.
Habang ang Election Registration Board hearing ay isasagawa rin sa city at municipality ng registrants.
Tiniyak naman ni Laudiangco na palalawakin pa ang naturang sistema kapag tagumpay ang kanilang test sa National Capital Region.
Kung maalala, ang panukalang batas o ang pagpapaliban sa December 5 elections ay ipagpapaliban at nais isagawa sa huling linggo ng buwan ng Oktubre sa susunod na taon.
Pirma na lamang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kailangan para maging ganap na batas.