Umaapela ngayon ang Commission on Elections sa kooperasyong Makati at Taguig matapos na kilalanin ng komisyon ang sampung EMBO Barangay bilang bahagi ng Taguig.
Kung maaalala, nagkaroon ng tensyon sa pagbubukas ng Brigada Eskwela matapos na bisitahin Taguig City Mayor Lani Cayetano at mga volunteers ang ilang EMBO schools.
Hinarangan umano ng Makati LGU ang daan patungo sa mga paaralan.
Naganap ang naturang tensyon sa kabila ng malinaw na memorandum order na ipinalabas ng Department of Education (DepEd) na nag-aatas sa mga school principals na ilipat na ang management at personnel ng 14 na EMBO schools sa Taguig.
Siniguro naman ng Commission on Elections na walang uusbong na tensyon sa kanilang gagawing turnover at sa mismong eleksyon dahil mayroon silang nakalatag na procedural steps na susundin ng ibat ibang departamento.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, ang paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) ay gagawin sa Taguig Convention Hall simula August 28 hanggang September 2 habang ang mga botante mula sa 10 Embo Barangays ay hindi na kailangan na magparehistro muli para sa October Barangay at Sanggunian Kabataan Election (BSKE).
Aniya, hihilingin ng komisyon sa Makati na magamit ang mga paaralan na maging polling stations.
Sakaling hindi pumayag ang Makati ay tiyak aniya na gagawa sila ng legal na paraan.
Nagpasalamat naman ang Taguig sa komisyon sa naging tamang aksyon nito sa kautusan ng Korte Suprema.